musika

12 October 2006

musing from the struggling "sublime" goddess # 1

LUNGKOT

Kadalasan, bigla na lang lalapit ang lungkot sayo at pipilitin kang pansinin siya.

(Tumingin ka sa akin.
Makinig ka sa sinasabi ko.
Hindi mo ako matatakasan.)

Ganito niya ako dinatnan, habang tumitingin sa mga naipong lumang litrato natin. Masaya pa ako nung una, natatawa sa mga alaalang dala-dala ng mga ito ng biglang siyang pumasok.

(Lungkot.)

Paalis na ‘ko next week.

Yun na lang ang natatandaan ko sa mga sinasabi mo nung gabing ‘yon. Ang mga detalye ay parang nalunod na sa utak kong naglalangoy sa alak. E ano? Dati ka pa naman umalis di ba? Dati ka pang nang-iwan. Yun talaga ang naiisip kong isigaw sa’yo. Pero napigilan ko ang aking sarili, tulad ng lagi kong ginagawa.

At umalis ka nga - na hindi ko man lang nasabi ang sakit na nararamdaman ko, na hindi ka man lang nayakap.

Yakap.
Ya-kap.

Kailan ba kita unang nayakap? Oo nga pala, nuong gabi ng Baccalaureate Mass. Naalala ko pa ang mahigpit at alangan na pagdampi ng ating mga katawan, nagsusumigaw sa mga damdaming hindi naman natin masabi sa isa’t-isa. At ikaw pa nga ang nauna. Nabigla pa ako dahil hindi ka naman gan’on. Hindi naman tayo gan’on. Kung nabigyan lang ako ng pagkakataon sasabihin ko din sana na napakadaming beses na na gusto kitang yakapin, pero hindi ko nagawa. Dahil takot ako sa’yo. Oo, sa loob ng halos apat na taon nating pagsasama, takot pa din ako sa’yo. Takot akong mapahiya sa harap mo. Takot akong masaktan mo. Pero higit sa lahat, takot akong iwanan mo ulit.

Hindi ko lang masabi, pero kung pinakinggan mo talaga, maririnig mo naman, kahit na kilo-kilometro pa ang layo natin sa isa’t-isa. Mas lalo pa siguro kung iilang dangkal lang, tulad nung huling salo-salo natin, lamesa lamang ang pagitan. Biglang nagtama ang maiilap nating mata at dagli ding kumaripas papalayo sa isa’t-isa. Hindi ko tuloy lubos maisip kung papaano tayo nagkaganito -

Magkalayo.
Lumalayo.
Malayo.
Layo.

Layo. Pabulong kong sinabi at nilapitan ka ng salita. Dumaan, dumulas, kumapit - sa daliri, sa labi, sa mata, sa tainga, sa puso. Isang salita na bumalot sa atin, pinigilan tayong huminga.

At sa pagal kong kalagayan, wala akong nagawa - hinayaan lang kitang umalis.

Kaya eto ako, nakakatunganga sa harap ng mga litrato, sinasamahan ng lungkot.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home